Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na natanggap na nila ang extradition request ng Estados Unidos kay KOJC founder Apollo Quiboloy na idinaan sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa isang panayam, sinabi ni Justice Secretary Frederick Vida na may mga pagdaraanan proseso ang nasabing extradition request, kung saan kasama dito ang evaluation, fact-checking, at maging ang validation sa umiiral na extradition treaty ng Pilipinas at Estados Unidos.
Oras naman na matapos ang evaluation process sa extradition request para kay Quiboloy, ilalabas na rin ng DOJ ang kanilang desisyon hinggil dito.
Pagtitiyak pa ni Justice Sec. Vida na lahat ng kasong kinakaharap ni Pastor Apollo Quiboloy, sa Pilipinas man o sa Estados Unidos, ay iko-konsidera bago pagpasyahan ang kanyang extradition, alinsunod sa umiiral na batas at Extradition Treaty ng Pilipinas at Amerika.
Mahalaga kasi, ayon kay Vida, na maisagawa ang cross-checking at cross-reference, lalo’t parehong may biktima ang KOJC founder sa dalawang hurisdiksyon. Hindi na rin patatagalin at bibigyang-prayoridad ng DOJ ang isinasagawa nitong evaluation sa nasabing extradition request.