Magsasagawa ng opisyal na pagbisita sa Brazil at Chile si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro mula Agosto 10 hanggang 13 upang higit pang palakasin ang ugnayan ng Pilipinas sa dalawang bansa sa Latin America kasabay ng ika-80 anibersaryo ng diplomatic relations ng bansa sa mga ito.
Sa kanyang pagbisita, inaasahang tatalakayin ni Secretary Lazaro ang pagpapalawak ng kooperasyon sa larangan ng kalakalan at pamumuhunan, depensa, enerhiya, agrikultura, agham at teknolohiya, digital transformation, turismo, at sports.
Unang tutungo ang kalihim sa São Paulo, Brazil kung saan makikipagpulong siya sa mga business leader at magbibigay ng foreign policy lecture sa University of São Paulo. Susundan ito ng bilateral talks kasama si Brazilian Foreign Minister Mauro Vieira sa Brasilia at isang pagpupulong kasama ang mga Philippine ambassador na nakatalaga sa Latin America.
Sa ikalawang bahagi ng kanyang biyahe, bibisita naman si Lazaro sa Santiago, Chile kung saan nakatakda siyang makipagpulong kay Chilean President José Antonio Kast at Foreign Minister Francisco Pérez Mackenna.
Ayon sa DFA, sumasalamin ang pagbisitang ito sa lumalawak na pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa Latin America, lalo na matapos ang negosasyon para sa Philippines-Chile Comprehensive Economic Partnership Agreement o CEPA. Itinatag ng Pilipinas ang diplomatikong relasyon sa Brazil at Chile noong Hulyo 4, 1946.