Photo courtesy of DSWD National Resource and Logistics Management Bureau (NRLMB)
Nanawagan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga volunteer na tumulong sa pagre-repack ng family food packs sa disaster resource centers sa Pasay at Mandaue.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao, araw-araw na gumagawa ng food packs ang mga warehouse sa Luzon at Visayas para mapanatili ang suplay ng relief goods.
Sa ilalim ng programang Buong Bansa Handa, katuwang ng DSWD ang mga pribadong grocery at supermarket sa pag-preposition ng relief goods, lalo na sa mga liblib na lugar.
Patuloy ding mino-monitor ng DSWD ang Tropical Storm Peilou at tinutugunan ang pangangailangan ng mga apektado ng habagat, at mga bagyong Luis at Maymay.
May nakahandang ₱6 bilyong standby fund at mahigit 4.98 milyong family food packs ang ahensya para sa mga apektadong komunidad.
Hanggang alas-6 kaninang umaga mahigit 54,000 family food packs at iba pang relief assistance ang naipamahagi ng DSWD.
Umabot na sa mahigit ₱39 milyon ang kabuuang humanitarian assistance ang naipamahagi.