Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na 10 ang nasawi matapos ang nangyaring landslide sa Guisad Surong, Baguio City.
Sa pulong-balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson Col. Allen Rae Co na 13 indibidwal ang casualty sa insidente, kung saan 10 ang nasawi, dalawa ang na-discharge na sa ospital, at isa ang patuloy na inoobserbahan sa Baguio General Hospital and Medical Center.
Ayon kay Co, kilalang landslide-prone area ang lugar at natabunan ng lupa ang bahay ng mga biktima.
Nasa tatlong bahay at limang pamilya ang nadamay sa pagguho ng lupa.
Kabilang naman sa hamon ng mga awtoridad sa pag-retrieve ng mga biktima ang access ng mga rescue equipment sa pinangyarihan ng insidente dahil marami aniyang saradong kalsada sa lugar dahil sa masamang panahon.
Nang matanong naman kung bakit hindi nailikas agad ang mga residente, lalo’t alam na isa itong landslide-prone area, sinabi ni Co na maraming natukoy na landslide-prone areas, lalo na sa Baguio, pero aminado siyang may mga hamon sa paglilikas, kabilang ang logistics at manpower.
Nanawagan naman ang PNP sa mga residente na sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan sa preemptive evacuation, lalo na at patuloy pa rin ang mga pag-ulan na dulot ng Habagat.