Pinagtibay ng Senado ang ratipikasyon ng dalawang defense agreement ng Pilipinas sa Canada at New Zealand na magbibigay-daan sa mas malawak na joint military activities at exercises ng mga bansa.
Sa botong 19-0-0, sumang-ayon ang Senado sa ratipikasyon ng Senate Resolution No. 548 na sumasaklaw sa Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA) ng Pilipinas at Canada.
Kasabay nito, inaprubahan din ng Senado ang Senate Resolution No. 549 tungkol naman sa SOVFA ng Pilipinas at New Zealand.
Nagpasalamat si Senate Committee on Foreign Relations Chairman Senador Erwin Tulfo, na siyang sponsor ng dalawang resolusyon, sa kanyang mga kasamahan sa Senado sa pagsuporta sa ratipikasyon ng mga kasunduan.
Pinasalamatan din ni Tulfo ang Department of Foreign Affairs (DFA), Department of National Defense (DND), Philippine Committee on Visiting Forces, at iba pang ahensya ng gobyerno na lumahok at nagbigay ng kanilang expertise sa mga pagdinig ng komite.
Ang SOVFA ay isang bilateral defense agreement na nagtatakda ng mga legal na tuntunin para sa mga cooperative activity ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng sandatahang lakas ng ibang bansa habang nagsasagawa ng mga aktibidad sa kani-kanilang teritoryo.
Sa ilalim ng naturang kasunduan, maaaring magsagawa ang dalawang bansa ng joint military exercises, intelligence sharing, at humanitarian relief operations, alinsunod sa kanilang mga mutual defense priorities.
Nauna nang niratipikahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang SOVFA ng Pilipinas sa Canada noong March habang ang kasunduan naman sa New Zealand ay noong Abril ngayong taon.
Sa pagpayag ng Senado sa ratipikasyon, inaasahang mas mapapalakas ang defense cooperation at strategic partnership ng Pilipinas sa Canada at New Zealand. | ulat ni Nimfa Asuncion