Iniimbestigahan na ng Philippine National Police (PNP) ang insidente ng pamamaril na kinasangkutan ng mga pulis sa Maragondon, Cavite, bandang 1:30 ng madaling araw kanina.
Sa inilabas na pahayag ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., kinumpirma na dalawa ang nasawi sa insidente, kabilang ang isang pulis at isang sibilyan, habang sugatan ang isa pang pulis at kasalukuyang nasa stable na kondisyon.
Ayon kay Nartatez, patuloy na inaalam ng PNP ang mga detalye ng insidente at gumugulong na ang imbestigasyon kabilang ang forensic examination at iba pang mga proseso.
Pinaalalahanan din ng PNP chief ang lahat ng personnel na mahigpit na sumunod sa mga umiiral na patakaran sa firearm safety and handling, proper conduct, at use of force.
Aniya, inaasahan sa mga pulis ang disiplina, pagtitimpi, at tamang pagpapasya sa lahat ng oras, on duty man o off duty.
Nakiramay din si Nartatez sa pamilya ng mga nasawi at tiniyak ang masusing imbestigasyon sa insidente.