Tiniyak ni Senate Committee on Finance Chairman Senador JV Ejercito na prayoridad niya ang pagpapatupad ng mas mahigpit na transparency at accountability sa pagbalangkas ng panukalang 2027 national budget.
Ito ay lalo na aniya sa gitna ng patuloy na kontrobersiya sa flood control projects.
Nilinaw rin ni Ejercito na hindi niya layuning tuluyang ipagbawal ang amendments sa panukalang budget pero sisiguraduhin niyang magiging bukas at nasa record ng plenaryo ang anumang gagawing pagbabago.
Aniya, papayagan niya ang mga amendments na makabubuti sa publiko basta’t pag-uusapan ang mga ito sa open floor at magiging bahagi ng official record.
Samantala, sinabi ng senate finance chief na hindi niya papayagan ang mga insertion o last-minute amendments na gagawin nang hindi malinaw.
ipagpapatuloy rin aniya ni Ejercito ang mas bukas na bicameral conference committee proceedings, kabilang ang livestreaming nito, para matiyak ang transparency. | ulat ni Nimfa Asuncion