Tiniyak ni Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na walang pagtitipid na magaganap sa pondong kakailanganin para sa agarang pagtugon sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.
Ito ayon sa kalihim ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na unahin ang pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga biktima.
“Unli. Honestly, unli. Sabi ng Presidente, basta kalamidad, hindi tayo nagtitipid. So, the quick response funds is worth billions, so it’s a lot of funds,” -Gatchalian.
Ayon sa kalihim, malinaw ang direktiba ng Pangulo, siguraduhin na ang mga naapektuhan ng kalamidad ay matulungan.
“And then we’re now assessing ‘yung mga may damages like in Pampanga, nakita namin medyo napuruhan sila. So, we’re going to work with the local government unit on the cash assistance later on….ang instruction ng ating Pangulo, Pangulong PBBM, masigurado na may food augmentation.” -Gatchalian.
Partikular na pinatitiyak ng pangulo ang pamamahagi ng hot meals, family food packs,
sleeping kits, hygiene kits, maging mga maternity kits para sa mga buntis at nagpapasusong nanay, at tulong pinansyal sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.
“Para masigurado natin na hindi man natin matumbasan yung comfort at convenience sa kanilang mga tahanan ay may dignidad at magaan sa kanila at maski papaano maging komportable sila dito sa mahirap na sitwasyon,” -Garchalian.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Marcos Jr., sinabi ni Gatchalian na nakapamahagi na ang DSWD ng nasa halos 193,000 family food packs sa buong bansa.
Binanggit ng kalihim na mayroong ilang lugar na idineklarang nasa “special areas of concern” sa Central Luzon, Bulacan, Pampanga, Northern Ilocos Region, habang isinailalim naman sa state of calamity ang ilang lugar partikular na sa Pangasinan at iba pang karatig pook.
“Ang goal natin is to make sure na yung mga nasa evacuation center na tutulungan natin, katulad dito sa Las Piñas, mayroon pa tayong around 200 families sa evacuation center,” -Gatchalian.
Bukod dito, namigay rin ang gobyerno ng PhP10,000 tulong pinansyal sa mga pamilyang sinalanta ng bagyo at Habagat sa Las Piñas.