Nasa testing stage na ang ilang drone development projects ng Armed Forces of the Philippines (AFP), bilang bahagi ng pagpapalakas ng kakayahan ng militar sa modernong pakikidigma.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Antonio Nafarrete, isinasagawa ang research and development ng unmanned systems sa General Headquarters at sa iba’t ibang sangay ng AFP, na planong pagsama-samahin sa isang integrated system.
Sa Commission on Appointments hearing, sinabi ni Nafarrete na kabilang sa prayoridad ng AFP ang unmanned systems, communications, at joint command and control para mapahusay ang maritime domain awareness.
Ayon kay Nafarrete, layunin ng modernization program na maprotektahan ang soberanya, sovereign rights, at mamamayan ng Pilipinas, kabilang ang patuloy na presensya sa teritoryal na karagatan ng bansa.
Iginiit naman ni Senador Ping Lacson ang kahalagahan ng drones, lalo na’t napatunayang epektibo ang mga ito sa mga modernong labanan gaya sa Ukraine.
Nag-alok din si Lacson ng suporta sa pagpopondo sa programa basta’t magsumite lang ng requirements para sa specifications para ma-justify nila ang paglalaan ng alokasyon sa drone development program. | ulat ni Nimfa Asuncion