Tiniyak ni Senate Finance Committee Chairman Senador JV Ejercito na hindi niya papayagan ang pagkakaroon ng tinatawag na “leadership fund” o mga budget allocables sa ilalim ng kanyang pamumuno sa komite.
Ayon kay Ejercito, ipagpapatuloy niya ang polisiya ni Senate President Sherwin Gatchalian, na dating namuno sa Senate Finance Committee.
Iginiit din ng senador na wala silang tatanggapin na last-minute budget insertions, lalo na sa bicameral conference committee.
Sa halip, sinabi ni Ejercito na ang anumang amendments o insertions sa national budget ay dapat gawin lang sa plenary deliberations, na bukas sa publiko.
Aniya, wala nang dapat mangyaring “secret bicam” o tinatawag na “small bicam.”
Samantala, sinabi ni Ejercito na hindi lahat ng budget insertions ay masama, pero kailangang tiyakin ang transparency sa proseso.
Ang pahayag ni Ejercito ay kasunod ng testimonya ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan sa Sandiganbayan na sinasabing bawat senador sa nakaraang Kongreso ay nabigyan ng hindi bababa sa P500 milyon mula sa leadership fund para sa DPWH budget noong 2025. | ulat ni Nimfa Asuncion