Pinaigting ng PNP Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang cyberpatrol matapos magbabala ang National Privacy Commission (NPC) sa publiko laban sa paggamit ng artificial intelligence para lumikha ng mga larawan at video gamit ang mukha ng mga totoong tao.
Kaugnay nito, inatasan ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang PNP-ACG na mahigpit na subaybayan ang mga mapanlinlang na AI-generated content dahil maaari rin itong gamitin ng mga grupong kriminal sa mga ilegal na gawain.
Sinabi ng NPC na kabilang sa mga ilegal na paggamit ng AI-generated faces ang paggawa ng mga maling paglalarawan sa mga kilos at pahayag ng isang tao.
Nagbabala rin si Nartatez na maaaring maharap sa mga kasong kriminal ang mga taong sadyang nagpapalaganap ng deepfakes at iba pang pekeng content sa social media.
Hinimok din ng PNP chief ang publiko na maging mapanuri sa pagtingin at pagbabahagi ng mga content sa social media. | ulat ni Diane Lear