Iniutos ng Philippine National Police (PNP) ang pagsisimula ng dismissal proceedings laban sa pulis na sangkot sa pamamaril sa isang resort sa Maragondon, Cavite.
Inatasan ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang Cavite police na magsagawa ng masusing imbestigasyon para matukoy ang pananagutang kriminal at administratibo ng mga sangkot.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang insidente noong ala-1:30 ng madaling araw ng August 12 sa isang resort kung saan dalawang pulis umano ang nagpalitan ng putok.
Ito ay matapos ang pagdiriwang ng kaarawan ng bagong talagang hepe ng Maragondon police.
Nabatid na dalawa ang patay, isang pulis at isang sibilyan, habang sugatan ang isa pang pulis.
Paalala ni Nartatez sa lahat ng personnel, hindi exempted sa batas at mga regulasyon ng PNP ang sinumang pulis kahit hindi naka-duty.
Hinihingi rin ng PNP chief ang mabilis na resolusyon ng kaso kahit pa aniya may mga matatanggal na opisyal. | ulat ni Diane Lear