Hindi tutol ngunit hindi rin nagpahayag ng suporta ang Commission on Elections (COMELEC) sa mga panukalang inihain sa Kamara para ipagpaliban ang November 2 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Sa pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, sinabi ni COMELEC Chair George Garcia, na 9 out of 10 na ang kanilang kahandaan para sa halalan sa Nobyembre, kabilang ang pagkakaprinta ng mga balota at paglilinis ng listahan ng mga botante.
Gayunman, sinabi ni Garcia na kung maaaprubahan ang mga panukalang postponement, daraan ang mga ito sa masinsinang pagsusuri ng Korte Suprema dahil sa mahigpit na pamantayang itinakda sa Macalintal case.
Ipinaliwanag niya na iba ang naging sitwasyon sa nakaraang pagpapaliban ng BSKE sa ilalim ng Republic Act No. 12232, dahil hindi lamang nito ipinagpaliban ang halalan kundi itinakda rin ang termino ng mga barangay at SK officials mula tatlo tungo sa apat na taon.
Ayon kay Garcia, dahil term-fixing law ang RA 12232 at hindi simpleng postponement law, hindi ito kinuwestiyon ng Korte Suprema sa ilalim ng Macalintal doctrine, at ibinasura ang petisyon laban dito.
Samantala, karamihan sa mga bagong panukala sa Kamara ay nakatuon umano sa postponement lamang, kaya maaaring maharap ang mga ito sa mahigpit na pamantayang itinakda ng Korte Suprema.
Binigyang-diin ni Garcia, na handang sumunod ang COMELEC sa magiging desisyon ng Kongreso, ngunit sa ngayon ay handa itong isagawa ang BSKE sa November 2.