Photo courtesy of Department of Education (DepEd)
Hiniling ng Department of Education (DepEd) sa Malacañang ang pagpapalawak ng emergency labor support sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) upang matulungan ang mga pampublikong paaralang naapektuhan ng habagat at Bagyong Maymay.
Layunin ng hakbang na mapabilis ang clearing, debris removal at paglilinis ng mga paaralan upang agad na maibalik ang ligtas at maayos na learning spaces para sa mga estudyante.
Bahagi ito ng isinusulong na Brigada Eskwela 2.0, na nakatuon sa isang buong-taong sistema ng paghahanda, paglilinis at pagbangon ng mga paaralan tuwing may kalamidad.
Pinasalamatan ni Angara sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Executive Secretary Ralph G. Recto, at Labor Secretary Francis N. Tolentino sa patuloy na suporta at koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Samantala, nagpahayag ng kahandaan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na makipagtulungan sa DepEd sa pamamagitan ng TUPAD. Bukod sa pagbibigay ng pansamantalang trabaho at kita, maaari ring makatulong ang mga TUPAD worker sa paglilinis at rehabilitasyon ng mga paaralang napinsala ng kalamidad.
Mula sa orihinal na target na 5,000 pampublikong paaralan para sa Brigada Eskwela, umabot na sa mahigit 9,300 paaralan ang saklaw ng DepEd-DOLE collaboration. Tinatayang 171,000 benepisyaryo naman ang kabilang sa programa.
Batay sa ulat ng DepEd noong Agosto 11, sinuspinde ang face-to-face classes sa 9,096 pampublikong paaralan sa walong rehiyon dahil sa masamang panahon. Apektado nito ang mahigit 6.9 milyong mag-aaral at 293,920 guro at kawani.
Sa paunang assessment, nasa 3,348 silid-aralan ang nagtamo ng bahagyang pinsala. Tinatayang ₱27 milyon ang kakailanganin para sa cleanup at clearing operations, habang nasa ₱161.6 milyon naman ang tinatayang halaga para sa minor repairs.
Iminungkahi rin ni Angara na italaga ang mga TUPAD worker sa 171 pampublikong paaralan na kasalukuyang ginagamit bilang evacuation centers upang mapanatili ang kalinisan at kaligtasan ng mga ito.
Bukod sa TUPAD, inirekomenda rin ng DepEd ang pakikipag-ugnayan sa Cash-for-Work Program ng DSWD upang mabigyan ng pagkakataon ang mga magulang at tagapag-alaga ng mga mag-aaral na kumita habang tumutulong sa paglilinis at pag-aayos ng kanilang mga paaralan.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DepEd sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa deployment ng heavy equipment sa mga lugar na nangangailangan ng mas malawakang clearing operations.
Sa pamamagitan ng Brigada Eskwela 2.0, nais ng DepEd na gawing tuloy-tuloy ang bayanihan sa mga paaralan—hindi lamang bago ang pagbubukas ng klase, kundi sa buong taon upang mas mabilis silang makabangon sa anumang kalamidad.