Pinabibilis ng Department of Energy (DOE) ang pagpapatupad ng waste-to-energy program kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na gawing kapaki-pakinabang na resource ang residual waste, lalo na’t nakadaragdag sa pagbaha ang basurang naiipon sa mga waterways.
Itinaas ng DOE mula 230 megawatts (MW) sa 400 MW ang installation target para sa Special Auction Round for Waste-to-Energy sa ilalim ng Green Energy Auction Program.
Isasagawa ang auction sa Oktubre 13, 2026, habang inaasahang magsisimula ang delivery ng kuryente mula sa mga kwalipikadong proyekto pagsapit ng 2029.
Ayon sa DOE, maaaring suportahan ng kasalukuyang waste stream sa Metro Manila ang tinatayang 200 MW ng waste-to-energy capacity, depende sa dami at pagiging angkop ng feedstock at iba pang technical requirements.
Binigyang-diin naman ng ahensya na hindi papalitan ng waste-to-energy ang waste reduction, segregation, reuse, recycling at materials recovery. Tanging mga angkop na residual waste ang maaaring gamitin bilang feedstock, at kailangang sumunod ang mga pasilidad sa mahigpit na environmental laws, permitting requirements at emissions standards.