Nagpahayag ng pagkabahala si House Prosecutor at Akbayan Party-list Representative Chel Diokno para sa mga law student na nanonood ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Diokno, nakakaalarma na baka mapulot ng mga estudyante ang baluktot o distorted view ng wastong pag-aabogado at legal procedure sa korte.
Ayon sa mambabatas, ito ang pangunahing dahilan kung bakit patuloy siyang naglalabas ng mga legal explainer sa kanyang mga social media page upang ipaliwanag ang mga tuntunin at pamamaraan sa korte para sa mga estudyante, mga bagitong abogado, at sa pangkalahatang publiko.
Binigyang-diin ng veteran lawyer, na ang pagtataas ng boses sa katunggaling abogado ay hindi nagpapalakas sa isang mahinang argumento, at hindi rin ito ang magdidikta kung tatanggapin ito ng huwes.
Ipinaalala rin ng mambabatas, na dapat irespeto ang proseso at iwasang putulin ang pahayag ng isang saksi habang nagsasalita ito.
Ayon sa kanya, bagamat may karapatan ang abogado na mag-object, humingi ng klaripikasyon, o maghain ng motion to strike kung hindi angkop ang tugon, dapat pa rin itong idaan sa tamang pamamaraan.
Aniya, ang ganitong professional restraint ay nagtatanggol kapwa sa karapatan ng saksi na makapagsalita at sa karapatan ng abogado na tutulan ang mga hindi nararapat na testimonya.
Idinagdag pa ni Diokno, na ang mga ganitong pamantayan at etiketa sa korte ang inaasahan ng prosecution team na maiiral sa kabuuan ng impeachment trial.