Tiniyak ng Kamara na maririnig ang boses ng mga taga Visayas sa pagbuo ng mga panukalang batas.
Ito ang inihayag nila Negros Oriental 2nd District Rep. Ma. Isabel “Maisa” L. Sagarbarria at 3rd District Rep. Janice Degamo, sa ginanap na ang Visayas leg ng LegisHear na ginanap sa Negros Oriental State University (NORSU) sa Lungsod ng Dumaguete.
Sinabi ni Sagarbarria, ang paglulunsad ng LegisHear sa Visayas ay magpapatatag sa kakayahan ng mga mambabatas na katawanin ang kanilang mga nasasakupan sa Kongreso.
Aniya, mas nakagagawa ang mga mambabatas ng mas epektibong panukalang batas kapag nakikinig at nakikipag-usap sila sa kanilang mga nasasakupan sa maagang bahagi pa lamang ng proseso, lalo’t ang opinyon ng publiko ay nakatutulong upang matukoy ang mga posibleng problema bago pa man maipatupad ang mga batas.
Sa kabilang banda, binigyang-diin naman ni Degamo na ang pagbibigay ng pagkakataon sa mamamayan na pakinggan ang kanilang boses ang simula upang maging mas mabilis sumagot ang mga batas sa kanilang mga pangangailangan.
Ang konsultasyon sa Dumaguete ang naghudyat ng pagsisimula ng Visayas leg ng LegisHear—ang pambansang inisyatibo sa pampublikong konsultasyon ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III. | ulat ni Melany Reyes