Umaasa si House prosecutor Terry Ridon na hindi magiging sobrang higpit ang mga patakaran na ilalatag ng Senate Impeachment court sa pagbibigay ng impormasyon sa publiko kaugnay ng impeachment trial kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Ridon, mahalagang maipaliwanag sa publiko ang takbo ng paglilitis at bawat ebidensyang inilalatag ng prosecution at defense.
Giit niya, may public interest sa impeachment dahil isang halal na opisyal ng bayan ang nililitis.
Sinabi ni Ridon, na dapat magkaroon ng sapat na luwag sa pagpapaliwanag ng proceedings, basta hindi ito nauuwi sa fake news, misinformation o disinformation.
Babala niya, kapag masyadong hinigpitan ang official communication ng mga partido at ng korte, maaaring magkaroon ng information vacuum.
Maaari aniyang punuin ito ng mga maling impormasyon mula sa mga malisyosong indibidwal, na hindi makabubuti sa publiko.
Samantala, sinabi ni Rep. Zia Alonto Adiong na igagalang at susundin ng House prosecution panel ang anumang magiging direktiba ng Senate impeachment court, kabilang ang mga patakaran sa social media.