Photo courtesy of Senate of the Philippines Facebook
Pinunto ni Senate President Sherwin Gatchalian ang malaking oportunidad na dulot ng Pax Silica initiative para sa ekonomiya at employment ng Pilipinas.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Environment and Natural Resources and Climate Change, sinabi ni Gatchalian na isang “once-in-a-lifetime opportunity” para sa Pilipinas ang Pax Silica initiative.
Binigyang diin ng senate president na kung hindi ito mapupunta sa Pilipinas, posibleng ibang bansa gaya ng Vietnam, Thailand o Indonesia ang makinabang dito.
Aniya, maaaring lumikha ang proyekto ng halos 200,000 direct jobs at hanggang 800,000 trabaho sa construction phase.
Maaari rin aniyang umabot sa $70 bilyon ang investments na maidulot nito sa bansa.
Dinagdag pa ni Gatchalian, na maaaring maging mahalagang “industry shift” ang Pax Silica habang hinaharap ng bansa ang epekto ng artificial intelligence (AI) sa mga tradisyunal na trabaho, kabilang ang ilang entry-level at low-value jobs sa BPO sector.
Gayunman, binigyang-diin niyang may “conditions and caveats” ang kanyang suporta sa proyekto.
Kabilang dito ang mahigpit na pagsunod sa Saligang Batas at mga lokal na batas, pagtugon sa malaking pangangailangan sa tubig at kuryente, at pagprotekta sa mga magsasaka at Indigenous Peoples laban sa displacement.
Iginiit ni Gatchalian, na dapat makasabay ang safeguards sa economic opportunities na hatid ng Pax Silica para matiyak na kapaki-pakinabang ang proyekto sa bansa at sa mga Pilipino.