Sinimulan na ni Senador Ping Lacson at ng kanyang staff ang pagsusuri sa panukalang 7.2-trillion pesos 2027 national budget para matiyak na walang makalusot na pork barrel, kuwestiyonable o maaksayang gastusin.
Ayon kay Lacson, kahit abala ang Senado sa impeachment trial, plenary sessions at committee hearings, mahalagang masuri agad ang National Expenditure Program (NEP) bago ang deliberasyon.
Kabilang sa kanyang binabantayan ang mga posibleng “leadership fund” at iba pang kahina-hinalang budget items.
Umaasa rin si Lacson na magpapatuloy ang mga transparency reforms na isinulong ni Senate President Sherwin Gatchalian, noong pinamunuan nito ang Senate Committee on Finance noong nakaraang taon, kabilang ang televising at livestreaming ng bicameral conference committee proceedings.
Nagpahayag din ng kumpiyansa ang senador na ipagpapatuloy ni kasalukuyang Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito ang mga pagsisikap para matiyak ang transparency sa proseso ng pagba-budget.
Samantala, hinimok ni Lacson ang mga district representative na aktibong lumahok sa local development councils sa pagbuo ng mga development plan, sa halip na umasa sa budget insertions pagdating ng panukalang budget sa Kongreso.
Aniya, nagkakaroon ng malaking disconnect sa pagitan ng aktwal na pangangailangan ng mga LGU at ng mga proyektong napopondohan sa national budget kapag hindi nasusunod ang tamang proseso. | ulat ni Nimfa Asuncion