Hindi tumitigil ang Pilipinas sa pakikipag-usap para sa terms of reference ng panukalang joint oil and gas exploration para makatulong sa energy supply ng bansa.
Sa Presidential Luncheon ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP), binigyang diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pangangailangan na humanap ng paraan ang pamahalaan upang maging handa ang bansa sakaling maulit ang krisis sa langis bunsod ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Sabi ng pangulo, hindi lingid sa kabatiran ng lahat na naging pahirapan ang supply ng petroleum products, na sinabayan pa ng pagtaas ng presyo nito.
Aniya, matindi ang naging epekto nito sa pamumuhay ng mga Pilipino at sa ekonomiya ng Pilipinas.
Positibo ang pangulo na matutuloy ang joint oil and gas exploration sa hinaharap.
Kung matatandaan, una nang siniguro ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang anomang posibleng joint oil and gas exploration ng Pilipinas sa China, o sa anomang bansa ay mahigpit na susunod sa Konstitusyon at mga umiiral na batas. | ulat ni Racquel Bayan