Hindi na pinalampas ng Malacañang ang napapansin nito sa ilang mga benipesyaryo ng TUPAD na inaasahan sanang makakatulong sa paglilinis ng komunidad.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, hindi lingid sa kanila ang gawain ng ilang TUPAD beneficiaries na kunwari ay may basurang winalis subalit pang photo op lang pala.
At pagkatapos ng photo opportunity, sinabi ni Castro, na agad nang umaalis ang mga benepisyaryo ng TUPAD.
Apela ng Palasyo, gawin sana ng nabebenepisyuhan ng TUPAD ang kanilang obligasyon gayung hindi naman nagkukulang sa kanila ang pamahalaan.
Binigyang-diin din ni Castro na hindi sila binabayaran ng gobyerno para gumawa lang ng fake videos, habang may pagkakataon din aniya sila na sila pa ang nagtatambak ng basura para ipakita lang na may basura sa isang lugar.