Binigyang-diin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ang tunay na digital financial inclusion ay hindi lamang tungkol sa pagkakaroon ng bank account o paggamit ng digital payments, kundi sa pagkakaroon ng abot-kaya, ligtas, at madaling gamiting serbisyong pangpinansyal para sa lahat.
Ayon sa BSP, mahalagang daan ang digital payments upang mas maraming Pilipino ang makapasok sa pormal na sistemang pinansyal at magkaroon ng access sa pag-iimpok, pautang, insurance, at iba pang serbisyo.
Patuloy namang tinutugunan ng BSP ang mga hadlang tulad ng mataas na gastos, kakulangan sa access, at mababang financial literacy sa pamamagitan ng Basic Deposit Accounts, interoperable digital payments system, at Paleng-QR Ph Plus.
Sinabi ng BSP na ang layunin ng financial inclusion ay mapabuti ang kalagayang pangpinansyal ng mga Pilipino at matulungan silang magkaroon ng mas matatag na kinabukasan.