Tiniyak ng Department of Migrant Workers na patuloy nitong minomonitor ang kalagayan ng 281 Filipino seafarers na naapektuhan ng mga pag-atake sa Northern Black Sea.
Sa bilang na ito, 262 ang ligtas at walang pinsala, tatlo ang nasawi, 15 ang nasugatan, at isa ang patuloy na hinahanap.
Humigit-kumulang 200 seafarers na ang na-repatriate, kabilang ang dalawang nasawi at 15 sugatan na patuloy na nagpapagaling.
Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, inaasahang makauuwi na rin sa bansa ang ilan pang mga Pilipinong tripulante. Patuloy rin ang paghahanap sa isang nawawalang seafarer.
Sinalubong ng DMW ang mga apektadong seafarers na ibinaba sa Istanbul, Türkiye, at Romania at pinagkalooban sila ng kinakailangang tulong, kabilang ang welfare assistance, transportasyon, at iba pang suporta.
Samantala, patuloy ding minamanmanan ng DMW ang kalagayan ng humigit-kumulang 3,000 Filipino seafarers sa Persian Gulf na apektado ng sitwasyon sa Strait of Hormuz.
Patuloy ang koordinasyon ng DMW sa mga kaukulang ahensya at maritime stakeholders upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga Filipino seafarers na nasa mga conflict-affected areas.