Namahagi ang Department of Social Welfare and Development (DSWD-1) ng 59,140 food at non-food items para suportahan ang relief operations ng mga lokal na pamahalaan sa Ilocos Region.
Ayon sa ulat ng DSWD-1 nitong Biyernes, 36,486 ang naipamahagi sa Pangasinan, 14,205 sa mga pamilyang naapektuhan ng sama ng panahon sa La Union, at 8,199 sa Ilocos Sur.
Kabilang sa mga food items ang family at ready-to-eat food packs. Mayroon ding sleeping, hygiene, at kitchen kits, pati laminated sacks.
Bawat family food pack ay may anim na kilo ng bigas, apat na lata ng tuna, apat na lata ng corned beef, dalawang lata ng sardinas, limang sachet ng instant coffee, at limang sachet ng cereal.
Patuloy ang koordinasyon ng DSWD sa mga LGU para matukoy ang pangangailangan ng mga apektadong pamilya. Mayroon ding mahigit P2.5 milyon na standby funds ang ahensya. Nauna nang nag-preposition ang DSWD ng 143,705 food at non-food items para sa mga lugar na maaapektuhan ng sama ng panahon.