Photo courtesy of Department of Agriculture
Naglabas na ng halos P36 milyon ang Philippine Crop Insurance Corporation para sa insurance payout ng 5,005 magsasakang naapektuhan ng mga Bagyong Luis at Maymay, gayundin ng Habagat.
Ayon sa PCIC, umabot sa P35.67 milyon ang paunang halaga ng insured damage sa anim na rehiyon sa bansa.
Inatasan na rin ang mga regional office na pabilisin ang validation at pagproseso ng mga insurance claim.
Pinakamaraming naapektuhang magsasaka ang naitala sa Region III, habang pinakamalaki naman ang halaga ng pinsala sa Region I.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na kailangang agad maihatid ang tulong upang makabangon ang mga magsasaka at maipagpatuloy ang kanilang produksyon. Samantala, tiniyak ng PCIC na patuloy nitong pinabibilis ang pagproseso ng mga claim upang agad maibigay ang insurance assistance sa mga apektadong magsasaka.