Pinalalakas ng Department of Energy (DOE) ang pakikipagtulungan sa mga bansa sa Southeast Asia para sa ligtas at responsableng paggamit ng nuclear technology sa ginanap na 13th Annual Meeting ng ASEAN Network of Regulatory Bodies on Atomic Energy o ASEANTOM sa Maynila.
Dumalo sa pagpupulong si DOE Secretary Sharon Garin kasama ang mga kinatawan ng mga bansang kasapi ng ASEAN, dialogue partners, at international organizations.
Binigyang-diin niya na habang lumalawak ang interes ng rehiyon sa nuclear science, technology, at nuclear energy, dapat itong samahan ng mahigpit na regulasyon, mataas na pamantayan sa kaligtasan at seguridad, at pagtitiwala ng publiko.
Nagsilbing plataporma ang ASEANTOM meeting upang palakasin ang koordinasyon ng mga bansa sa larangan ng nuclear regulation, emergency preparedness, at ligtas na paggamit ng nuclear technology.
Ayon sa DOE, mahalaga ang mga hakbang na ito sa pagpapatibay ng nuclear regulatory framework ng Pilipinas at sa pagsusulong ng nuclear energy bilang bahagi ng pangmatagalang plano ng bansa para sa mas matatag at mas ligtas na suplay ng enerhiya.