Positibo si Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan na makakabawi ang ekonomiya ng Pilipinas sa 5 hanggang 6 porsiyentong paglago sa nalalabing dalawang taon ng administrasyong Marcos.
Ayon kay Balisacan, mula sa projected growth na 3.5 hanggang 4.5 porsiyento noong 2025, inaasahang mapapalakas ang ekonomiya sa pamamagitan ng mas mabilis na pagpapatupad ng mga programa at infrastructure projects ng pamahalaan, pagpapabuti ng domestic supply, at pagbabalik ng kumpiyansa ng mga consumer at investor.
Sinabi ni Balisacan na sa short term, tututukan ng pamahalaan ang pagprotekta sa vulnerable households laban sa mataas na presyo ng pagkain, pagpapabilis ng public investments, at pagpapalakas ng transparency at accountability upang matugunan ang mga alalahanin sa governance at corruption.
Sa short to medium term naman, kabilang sa prayoridad ang pagtugon sa learning poverty at classroom shortage, pagsasanay sa mga manggagawa para sa future-ready skills, pagpapalakas ng primary health care, at pagpapataas ng productivity sa agrikultura.
Pagtutuunan din ng pamahalaan ang pagpapabilis ng mga imprastraktura sa transportasyon, logistics, enerhiya at digital connectivity, kabilang ang mga proyekto sa ilalim ng Build Better More program at public-private partnerships.
Para naman sa pangmatagalan, sinabi ni Balisacan na kailangan ang structural reforms upang mapataas ang productivity at competitiveness ng bansa, kabilang ang pagkakaroon ng mas maaasahan at abot-kayang enerhiya, pagpapalawak ng renewable energy at pagpapalakas ng domestic industries at exports.
Sa huling mga taon ng administrasyon, sinabi ni Balisacan na layunin ng pamahalaan na gawing konkretong resulta ang mga repormang nasimulan upang makamit ang people-centered growth at mas inclusive at resilient na ekonomiya.