Sa gitna ng patuloy na epekto ng Habagat ay pinaigting pa ng Manila Water sa pamamagitan ng subsidiary nitong WawaJVCo, ang monitoring at koordinasyon sa Upper Wawa Dam sa Montalban, Rizal at mga komunidad na nasa downstream areas ngayong tag-ulan.
Ayon sa WawaJVCo, matapos ang mga pag-ulang nagdulot ng overspill sa Upper Wawa Dam, mas pinalakas nito ang monitoring sa reservoir at watershed conditions para makapagbigay agad ng impormasyon sa mga komunidad.
Ayon kay WawaJVCo General Manager Joe Costales, mahalaga ang tuloy-tuloy na monitoring at mabilis na pagbabahagi ng impormasyon upang makatulong sa paghahanda ng mga lokal na pamahalaan at residente.
Patuloy ding nakikipag-ugnayan ang WawaJVCo sa mga LGU, disaster risk reduction and management offices at iba pang stakeholders.
Kapag papalapit sa mga lebel na maaaring magkaroon ng epekto sa downstream areas ang tubig sa reservoir, hourly advisories ang ipinadadala sa mga concerned local government unit.
Mino-monitor din ang kondisyon ng mas malawak na watershed at mga ilog at daluyan ng tubig na konektado sa Marikina River system, kabilang ang Puray River, Manga River, Nangka River, Ampid Creek at Burgos Creek, dahil maaaring makaapekto ang pag-ulan sa mga lugar na ito sa kondisyon ng ilog at mga komunidad sa downstream.