Sa botong 19-0-0, inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 1511, na naglalayong protektahan ang mga pasyente at kanilang pamilya laban sa hospital detention o pagpigil sa kanilang makaalis ng ospital dahil sa hindi nabayarang medical bills.
Sa ilalim ng panukala, hindi maaaring pigilang makalabas ang isang pasyente, bagong silang na sanggol, kamag-anak o labi ng namatay na pasyente dahil sa utang sa ospital.
Maaari pa ring singilin ng ospital ang utang sa pamamagitan ng promissory note, guarantee o iba pang legal na paraan.
Inaatasan din ang mga ospital na agad maglabas ng medical records, discharge documents at labi ng namatay na pasyente kahit hindi pa bayad ang obligasyon.
Nakapaloob rin sa panukala ang parusang multa at pagkakakulong sa mga lalabag at maaari ring bawiin ng DOH ang lisensya ng pasilidad kapag paulit-ulit ang paglabag.
Binigyang diin ni Senate Committee on Health chairperson Senadora Risa Hontiveros, hindi dapat maging dahilan ang medical debt para ipagkait sa isang tao ang kanyang kalayaan at dignidad. | ulat ni Nimfa Asuncion