Ipinag-utos na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang imbestigasyon sa viral na insidente sa Taguig City kung saan umano’y nagkaroon ng delay sa pagtugon ng 911 emergency na ikinasawi ng isang 71 taong gulang na lalaki.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson PCol. Allen Rae Co na buong suporta ang pulisya sa imbestigasyon upang malaman ang buong katotohanan sa likod ng insidente.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang PNP sa pamilya ng biktima.
Nilinaw din ni Co na ang Unified 911 ay may sariling opisina na siyang nagmo-monitor ng mga tawag, at hindi ito bumabagsak sa PNP dahil hindi lamang police assistance ang sakop ng 911 kundi pati sunog at medical emergencies.
“Meron pong magrereceive ng tawag ninyo, iaassess lahat ho kasi dito siyempre so igaguide naman kayo nung magre-receive ng tawag… sa atin mga kababayan na tumatawag be ready with this information. We understand that this could be a traumatic experience for you kagaya nung nangyari doon sa Taguig… but remember na kailangan natin maibigay ng malinaw yung mga impormasyon. This will help the responders respond properly and quickly doon sa ating mga pangangailangan.”
Matatandaang iniutos ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang imbestigasyon matapos mag-viral ang Facebook post ng netizen na nagsabing halos 10 minuto silang tumawag sa 911 ngunit walang tugon.