Siniguro ni Department of Budget and Management (DBM) Acting Secretary Kim De Leon na naglatag na sila ng mga reporma upang hindi na maulit pa ang pagkakaroon ng ‘ghost projects’ sa ilalim ng panukalang 2027 National Budget.
Sa naging budget briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) isa sa mga inusisa ni House Assistant Minority Leader Iris Marie Montes ay kung ano ang garantiya na magkakaroon ng kurapsyon at wastage pondo ng bayan, sa ilalim ng panukalang Pambansang Budget.
Tugon ng kalihim, pangunahing reporma ay ang masusing pagsusuri sa mga project proposal, upang matiyak na hindi makapapasok sa budget ang mga proyektong hindi tunay o hindi maipatutupad.
Kabilang din sa mga reporma ang early procurement upang maiwasan ang pagkaantala sa implementasyon ng infrastructure projects.
Sa ilalim naman ng New Government Procurement Act, naging mas bukas at transparent ang procurement activities, kabilang ang pagla-livestream ng procurement proceedings at pagpo-post ng mga detalye ng mga procurement para masubaybayan ng publiko at civil society.
Sinabi rin ng DBM secretary na patuloy nitong isinasagawa ang Agency Performance Review at inilunsad ang DBM Compass, kung saan maaaring masubaybayan ang bawat release ng allotment.
Hindi na lamang din aniya sila aasa sa mga documentary accomplishment report, dahil gagamit din ng technology at satellite imagery para i-validate kung ang isang proyektong iniulat na natapos ay talagang naipatupad at makikita sa aktuwal na lokasyon.