Pormal nang idineklarang “hostile witness” ng Senate Impeachment Court nitong Lunes si Gina Acosta, na dating special disbursing officer ni Vice President Sara Duterte sa Office of the Vice President (OVP).
Ito ay sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa Article 1 ng Articles of Impeachment o ang alegasyon sa maling paggamit ng Confidential Funds ng Bise Presidente.
Pinagkaloob ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero ang mosyon ng prosekusyon matapos tanungin si Acosta tungkol sa kaniyang kasalukuyang posisyon sa Office of the Vice President (OVP) at relasyon sa trabaho kay VP Sara.
Kinumpirma ni Acosta na si Duterte ang kaniyang boss at kasalukuyan siyang may coterminous position bilang Vice Presidential Staff Officer VI.
Nang tanungin ni Escudero kung mawawala ang kaniyang trabaho sa OVP sakaling ma-impeach o matanggal sa puwesto si Duterte, sinang-ayunan ito ni Acosta.
Dahil dito, pormal na idineklarang “hostile witness” si Acosta ni Escudero, bukod pa sa posisyong kaniyang ipinahayag sa isang counter-affidavit na inihain sa Office of the Ombudsman.
Dahil sa ruling, maaari nang magtanong si Private Prosecutor Atty. Amado Virgil Ligutan kay Acosta ng mga leading questions o mga tanong na maaaring maglaman ng inaasahang sagot.
Gayunman, binigyang-diin ni Escudero na hindi pa rin pinapayagan ang mga tanong na misleading.
Si Acosta ang kauna-unahang testigo na pormal na idineklarang “hostile witness” sa impeachment trial ni Duterte.
📸 Senate of the Philippines