Matapos ang malakas na pag-ulan kahapon, agad nag-inspeksiyon si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa ilang flood mitigation structures sa Metro Manila.
Inuna nito ang Daang Hari Pumping Station sa Navotas, na patuloy ang operasyon para agarang humupa ang tubig-baha sa lungsod.
Ayon kay Sec. Dizon, nakatulong ang mga isinagawang pagkukumpuni ng DPWH sa mga pumping station, navigational gate, at gaps sa Navotas dike para mabawasan ang epekto ng pagbaha, lalo na sa mga coastal barangay ng lungsod.
May ilan pang pumping stations na target makumpleto sa mga susunod na linggo hanggang sa susunod na buwan.
Iniutos din ng kalihim ang tuloy-tuloy na paglilinis at maintenance ng mga pumping station at iba pang flood control facilities para matiyak na maayos ang kanilang operasyon, lalo na tuwing may matinding pag-ulan.
Tiniyak din ng kalihim na may mga karagdagang flood mitigation projects sa Navotas na nakapaloob sa proposed 2027 national budget.
Patuloy namang makikipagtulungan ang DPWH sa Navotas City Government para makumpleto ang iba pang pumping stations at maisagawa ang kinakailangang pagsasaayos sa navigational gate sa lungsod.
Nagpasalamat naman si Navotas Mayor John Rey Tiangco sa tulong ng DPWH sa pagtugon sa priority areas ng lungsod, na nakatulong para maiwasan ang malawakang pagbaha.
Muli ring nanawagan ang alkalde sa mga residente na maging disiplinado at huwag magtapon ng basura kung saan-saan, para hindi mabara ang mga pumping station.