Mga labis na ani ng ating mga magsasaka, hindi na masasayang dahil direkta nang ipapakain sa 4.6 milyong estudyante sa bansa.
Iyan ang pinakabagong diskarte at paraan na itinutulak ngayon ni Education Secretary Sonny Angara upang matulungan ang mga lokal na prodyuser lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.
Sa pamamagitan ng pinalawak na School-Based Feeding Program (SBFP), target ng Department of Education (DepEd) na bilhin at maipamahagi sa mga paaralan ang mga labis na gulay matapos sumailalim sa mahigpit na food safety guidelines.
Upang mas mapalakas ang proyektong ito, isinasa-institusyon na ng DepEd ang Sagip Saka Act o Republic Act 11321 sa loob ng kanilang feeding program.
Sa ilalim ng batas na ito, ang mga Schools Division Offices (SDO) at mga paaralan ay pinahihintulutan nang gumamit ng negotiated procurement.
Ibig sabihin hindi na kailangan pang dumaan sa mahabang proseso ng public bidding upang direktang makabili ng sariwang ani mula sa mga lokal na magsasaka at mangingisda.
Hinihimok din ng DepEd ang mga pribado at kumpanya na sumali sa Adopt-a-School Program sa pamamagitan ng pagbili ng mga gulay para i-donate sa mga paaralan kung saan maaari silang makakuha ng 150% tax deduction.
At upang maiwasan ang pagkabulok ng mga aning gulay dahil sa delay sa biyahe ngayong tag-ulan, makikipag-ugnayan din ang DepEd sa Department of Agriculture (DA) upang magamit ang mga bakanteng cold-storage facilities para mapanatiling sariwa ang mga produkto.
📷 PCO