Sa kabila ng mga malalakas na pag-ulan nitong mga nakalipas na araw, hindi naging problema ang pagbaha kahit sa coastal barangays sa Lungsod ng Navotas.
Kabilang dito ang mga residente ng Barangay Daang Hari, na sinabing nabawasan na ang kanilang pangamba sa pagbaha dahil sa flood mitigation measures na ipinatutupad ng pamahalaang lungsod.
Malaking bahagi nito ang tuloy-tuloy na operasyon ng Bombastik pumping station ng Navotas City Government, gayundin ng pumping station ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng navigational flood gate.
Ayon kay Nanay Angelita Sabila, nabawasan na ang kanilang pag-aalala dahil hindi na tulad ng dati ang pagbaha sa kanilang lugar, kahit malapit ito sa dagat.
Para naman kay Tatay Antonio, malaking bagay sa mga residente ang maayos na flood control measures dahil kahit malakas ang ulan, mas kampante na sila at hindi na iisipin pa ang maglimas ng tubig baha.
Ayon kay Mayor John Rey Tiangco, mayroon nang 92 pumping stations ang lungsod ng Navotas na patuloy na tumutulong sa pagkontrol ng tubig-baha, partikular sa mga low-lying at coastal areas.