Kanselado pa rin ang ilang biyahe ng mga sasakyang pandagat dahil sa sama ng panahon na dulot ng Habagat.
Ayon sa Philippine Ports Authority (PPA), kabilang dito ang lahat ng biyahe sa Lubang Islands.
Wala ring biyahe ang mga barko ng Montenegro Shipping Lines mula Abra de Ilog papuntang Batangas City, ang MV City of Bacolod mula Puerto Galera patungong Batangas at pabalik, at ang MV Bunso Ferry 2 mula San Jose papuntang Coron.
Sa Bohol, kanselado ang mga biyahe mula Getafe papuntang Cordova, Cebu, at mula Jagna patungong Camiguin.
Dalawang ferry rin ang hindi pinabiyahe mula Palawan, bukod pa sa mga tour vessel at mga sasakyang pandagat na mas mababa sa 15 gross tonnage ang bigat.
May dalawang biyahe rin ang hindi pinatuloy mula Masbate papuntang Albay at Sorsogon. Bukod pa ito sa mga fastcraft at RoRo na hindi pinabiyahe sa mga pantalan na sakop ng Port of Batangas.