Mariing kinondena nina Senate President Sherwin Gatchalian at Senate Committee on Basic Education Chair Senador Bam Aquino ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School na ikinasawi ng dalawang estudyante at ikinasugat ng iba pa.
Nanawagan si Gatchalian ng masusing imbestigasyon sa insidente, partikular kung paano nakuha ng sinasabing suspek ang dalawang baril at kung paano naipasok ang mga ito sa loob ng paaralan.
Hiniling din ng Senate President sa Department of Education (DepEd) at lokal na pamahalaan ng Zamboanga na agad magbigay ng psychosocial support sa mga estudyante at school personnel na naapektuhan ng insidente.
Samantala, sinabi ni Aquino na nakapanlulumo ang nangyari, lalo na’t ang paaralan ay dapat maging ligtas na lugar kung saan nabubuo ang pag-asa at pangarap ng mga kabataan.
Nakiramay ang senador sa mga pamilya at kaibigan ng mga nasawi at sa buong komunidad na naapektuhan ng pamamaril.
Binigyang-diin nina Gatchalian at Aquino ang pangangailangang kumilos para mapalakas ang seguridad sa mga paaralan at maiwasang maulit ang ganitong insidente. | ulat ni Nimfa Asuncion