Nanawagan si Senador Joel Villanueva ng mas mahigpit na hakbang para maprotektahan ang mga estudyante kasunod ng malagim na pamamaril sa isang paaralan sa Zamboanga.
Ayon kay Villanueva, dapat maging ligtas na lugar ng pagkatuto at pag-asa ang mga paaralan, hindi lugar kung saan nangangamba ang mga bata sa kanilang buhay.
Kasabay ng pakikiramay sa pamilya ng mga biktima, binigyang-diin ng senador na kailangan ng konkretong aksyon sa insidente kabilang ang mga panukala ng EDCOM 2 para palakasin ang school safety at tugunan ang school violence.
Tinitingnan din aniya ang mga hakbang para higpitan ang gun control at isulong ang responsableng pagmamay-ari, pag-iimbak at paggamit ng baril para hindi ito mapasakamay ng mga bata o iba pang otorisadong tao.
Isinusulong din ni Villanueva ang panukalang Safe Media Access and Responsible Technology for Kids in Digital Spaces (SMART) Kids Act para maprotektahan ang mga bata laban sa mapanganib na online content.
Aniya, kabilang sa mga prayoridad ng LEDAC ang panukalang social media ban para sa mga bata.
Giit niya, ang proteksyon sa mga kabataan ay dapat umabot hindi lang sa loob ng paaralan kundi maging sa mga digital platform na kanilang ginagamit araw-araw. | ulat ni Nimfa Asuncion