Nanawagan ang Council for the Welfare of Children (CWC) sa publiko na alalahaning mga bata pa rin ang mga sangkot sa naganap na pamamaril sa isang paaralan at nararapat na mapangalagaan ang kanilang mga karapatan.
Naglabas ng pahayag ang CWC kaugnay ng insidente ng pamamaril na naganap sa Zamboanga nitong Martes, August 18.
Sa isang post sa official Facebook account ng CWC, hinimok ng konseho ang publiko na isaalang-alang na ang lahat ng sangkot sa insidente—maging mga biktima o ang itinuturong bumaril—ay mga bata pa rin na may mga karapatang dapat protektahan.
Binigyang-diin din ng CWC, na sa likod ng mga headline ay may mga batang pang-habambuhay na maaaring maapektuhan ng insidente gayundin ang mga pamilyang dumaranas ng matinding sakit at pagdurusa.
Kasabay nito, nanawagan ang konseho sa publiko at mga mamamahayag na maging maingat sa pagpo-post, pagbabahagi, at pagre-repost ng impormasyon tungkol sa mga batang sangkot.
Pinaalalahanan ng CWC na hindi dapat basta-basta ikalat ang mga pangalan, larawan, at iba pang impormasyong maaaring makapagpakilala sa mga bata.
Ayon sa CWC, ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon, graphic na materyales, livestream, at sensitibong content ay maaaring magdulot ng karagdagang trauma, stigma, diskriminasyon at panganib sa mga batang sangkot.
Maaari rin umano itong makaapekto sa isinasagawang imbestigasyon.