Umapela ang prosecution panel ng Kamara sa Senado, na tumatayong Impeachment Court, na payagan ang mas maraming mamamahayag sa loob ng plenaryo upang masubaybayan ang paglilitis ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Prosecutor at Manila Representative Joel Chua ang hakbang na ito ay layong labanan ang pagpapakalat ng fake news at disinformation.
Ito ang tugon ni Chua sa mga panawagan na makita rin ng taumbayan ang ang kilos at gawi ng mga senator-judge sa loob ng korte.
Bagama’t nauunawaan ng prosecution ang pag-iingat ng Senado na baka makagulo sa solemnidad at kaayusan ng constitutional trial ang walang limitasyong access, binigyang-diin ni Chua na kailangang ibalanse ang kaayusan sa karapatan ng mamamayan na malaman ang nagaganap sa impeachment court.