Sa gitna ng patuloy na pagbaha sa ilang lugar sa Pampanga dahil sa Habagat, tiniyak ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na hindi iiwan at patuloy na susuportahan ang mga residenteng naapektuhan ng kalamidad.
Personal na nagtungo ang kalihim sa Macabebe nitong Martes para i-assess ang sitwasyon at matukoy ang karagdagang pangangailangan ng mga residente.
Sa pakikipagpulong sa mga lokal na opisyal, siniguro ng kalihim na nakahanda ang DSWD na maghatid ng karagdagang food packs at iba pang relief assistance.
Katunayan, nakaposisyon na rin aniya sa DSWD Field Office 3 ang mga food boxes para sa agarang pamamahagi.
Patuloy din ang joint assessment ng DSWD at Municipal Social Welfare and Development Office bilang paghahanda sa posibleng pagbibigay ng financial assistance sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ng baha.
📸 DSWD

