Tinawag ng ilang grupo na pamumulitika ang paghahain ng reklamo sa korte laban kay Marikina Rep. Marcy Teodoro.
Sa isang pahayag, sinabi ng grupong Samahan ng mga Angkan sa Marikina na nagdulot ng pagkadismaya sa komunidad ang tinawag nilang paulit-ulit na mga alegasyon.
Nanawagan din ang grupo na itigil na ang pamumulitika at iginiit na dapat manatili ang lungsod na pinaiiral ang dignidad, respeto, at malasakit sa kapwa.
Pahayag ito matapos kumpirmahin ng Justice Department na naihain na sa magkahiwalay na korte ang mga reklamo laban sa kongresista.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, apat sa mga ito ay inihain sa Regional Trial Court ng Marikina, habang isa naman sa Metropolitan Trial Court.
Pagtitiyak ni Martinez, sasailalim ang mga kaso sa Rules of Court para sa paglilitis ngayong nasa hurisdiksyon na ng korte.
Una nang kinuwestiyon ng kampo ni Teodoro ang pagsasampa ng kaso, kung saan sinabi nilang wala umanong sapat na batayan ang reklamo.
Ayon kay Atty. Alma Mallonga, nakakagulat umano na nagkaroon ng resolusyon na hindi pinirmahan ng DOJ panel na nagsagawa ng imbestigasyon, kundi ng ibang state prosecutor. Mahigit pitong buwan na rin aniya ang nakalipas matapos ang isinagawang hearing, kaya ikinagulat nila ang naturang hakbang.