Inihain ni Navotas Representative Toby Tiangco ang House Bill No. 10841 o Anti-Littering Community Service Act na naglalayong obligahin ang mga mahuhuling nagtatapon ng basura kung saan-saan na linisin ang mga kanal, estero, at iba pang waterways.
Sa ilalim nito, isang araw o walong oras na community service ang ipapataw sa first offense, dalawang araw sa second offense, at tatlong araw naman sa third at mga susunod na paglabag.
Ayon kay Tiangco, layunin nitong palakasin ang pagpapatupad ng Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act, na nagbabawal sa pagkakalat at pagtatapon ng basura sa pampublikong lugar.
Iginiit ng mambabatas na kailangang magkaroon ng malinaw na pananagutan dahil ang basurang bumabara sa mga kanal ay nakapagpapalala ng pagbaha.
Maaari namang masuspinde o matanggal sa serbisyo ang mga lokal na opisyal at empleyado na bigo itong ipatupad oras na maging batas.
Tiniyak naman sa panukala na may protective equipment at safety measures para sa mga magsasagawa ng canal-cleaning community service.