Habang patuloy pa rin ang mga pag-ulan lalo sa malaking bahagi ng Luzon, mahigpit na binabantayan ng National Irrigation Administration (NIA) ang lebel ng tubig sa Pantabangan Dam sa Nueva Ecija at Magat Dam sa Isabela.
Sa ngayon, walang nakabukas na spillway gate sa dalawang dam at wala ring naitalang spill discharge.
Ayon naman kay NIA Administrator Eduardo Eddie Guillen, wala pang naitatalang malawakang pinsala sa mga taniman ng palay kasunod ng mga pag-ulan.
Sa halip, nakatulong aniya ang pag-ulan para madagdagan ang tubig na nakaimbak sa mga dam at reservoir na magagamit sa patuloy na irigasyon ng mga sakahan.
Sa pagtaya ng NIA, katumbas ng 90,000 ektarya na sakahan ang maaaring mapatubigan ng tubig mula sa Magat Dam, habang nasa 100,000 ektarya naman ang Pantabangan Dam.
Kaugnay nito, patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga Irrigators Association para sa maagap na pagtugon at ligtas na pamamahala ng tubig ngayong tag-ulan.