Nakatutok na ang mga tauhan ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Department (QCDRRMD) at ng Quezon City Police District (QCPD) para rumesponde sa mga lugar sa lungsod na nakararanas ngayon ng pagbaha.
Kanina, nagkasa na ng Operational Period Briefing ang Incident Management Team ng QCDRRMD para mapalakas ang koordinasyon ng mga response cluster at matiyak ang mabilis at organisadong pagtugon sa epekto ng enhanced Habagat.
Nag-deploy na rin ang QCPD ng Search and Rescue teams sa ilang strategic locations sa lungsod, kabilang ang Esteban Abada Elementary School, SB Park sa Batasan Hills, 5K Park sa Barangay Milagrosa, Amoranto Sports Complex, Quezon City University at QCGH Covered Court habang may isang SAR team ding naka-standby sa QCDRRMO.
As of 9:30 AM, lagpas ulo na ang baha na naiulat sa Dulo, West Riverside at ilang bahagi ng Batibot at Caragay sa Barangay Damayan habang abot naman sa dibdib ang baha sa West Riverside corner Pat Senador sa Barangay Del Monte, at hanggang baywang ang lalim sa ilang bahagi ng Don Jose at Don Pepe Streets sa Barangay Sto. Domingo.
May mga lugar din na abot-baywang hanggang tuhod, kabilang ang ilang bahagi ng Barangay Mariblo, Sienna, Apolonio Samson, Doña Imelda, Masambong at Sto. Domingo.
Samantala, mababaw na baha o gutter-deep ang naitala sa ilang kalsada sa Barangay Damayan, Sienna, Sto. Domingo at Tatalon.
May ilang lugar naman na humupa na ang baha, kabilang ang bahagi ng Q. Avenue corner D. Tuazon, A. Boni corner Mariveles, G. Araneta corner Mauban at ilang bahagi ng Sienna at Sto. Domingo.
Patuloy ang monitoring at clearing operations ng Quezon City Government para matiyak ang kaligtasan at pagiging passable ng mga kalsada.
Pinapayuhan ang mga motorista na mag-ingat at iwasan ang mga lugar na lubog sa baha kung hindi kinakailangang dumaan.