Kinuwestiyon ni Senator Ping Lacson ang ‘uniform’ o magkakaparehong ₱180 milyon na inilaan para sa evacuation centers sa bawat isa sa 17 rehiyon sa bansa, na aabot sa mahigit ₱3 bilyong piso sa ilalim ng panukalang 2027 national budget.
Ayon kay Lacson, walang malinaw na detalye na nakasaad sa National Expenditure Program (NEP) kung saan itatayo ang mga evacuation center at kung nakabatay ba sa aktwal na pangangailangan ng bawat rehiyon ang pondo.
Duda rin ang senador kung may isinagawang pag-aaral bago pantay-pantay na ilaan ang ₱180 milyon sa bawat rehiyon.
Samantala, sinabi ni Lacson na sinusuri rin nila ang malaking bahagi ng budget para sa “ayuda” o social services dahil posibleng maging masyadong nakatuon ang 2027 budget sa ayuda, sa halip na pangmatagalang development.
Aniya, walang masama sa pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan pero dapat tiyaking may sapat ding pondo para sa mga programang magbibigay ng pangmatagalang pag-unlad.
Sinabi rin ni Lacson na tinitingnan nilang mabuti kung may mga probisyon sa panukalang budget na maaaring magamit sa politika o kampanya bago ang 2028 Elections.