Itutuloy ng Senado ang pagdinig sa usapin ng school violence, online grooming, at iba pang banta sa kaligtasan ng mga kabataan kasunod ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University na ikinasawi ng dalawang estudyante.
Ayon kay Senadora Risa Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality, magpapatuloy ang kanilang imbestigasyon bukas upang matukoy ang mga kinakailangang pagbabago sa mga paaralan at online environment ng kabataan.
Hindi pa aniya matukoy kung may kaugnayan ang Zamboanga shooting sa tinatawag na Nihilistic Violent Extremism (NVE) o sa mga online community na sinuri ng Senado matapos ang shooting incident sa Tacloban.
Binigyang-diin ni Hontiveros na mas malalim ang problemang kinakaharap ng lipunan kung ang karahasan ay hindi lamang ginagawa kundi ipinapakita, ginagaya, at maging nili-livestream online.
Samantala, nanawagan naman si Senador Kiko Pangilinan na bumuo ng mas matatag na “human safety net” para sa mga kabataan.
Kabilang sa kanyang mga iminungkahing hakbang ang pagpapalakas ng school safety, paglalaan ng pondo para sa mas maraming guidance counselors at psychologists, pagpapalawak ng mental health services, pagpigil sa online bullying at cyber grooming, at paghihigpit sa pagmamay-ari ng baril.
Iginiit din ni Pangilinan na hindi sapat ang batas at pondo lamang para matugunan ang problema.
Kailangan din aniyang maging responsable ang mga lider at social media influencers sa kanilang mga pahayag at huwag gawing normal ang karahasan at pagpatay. Binigyang-diin ng dalawang senador na kailangan ang sama-samang pagkilos ng pamahalaan, paaralan, pamilya, komunidad, at online platforms upang maprotektahan ang mga bata at maiwasang maulit ang mga insidente ng school violence.