Umabot na sa ₱210.93 milyong halaga ng agricultural inputs ang inihanda ng Department of Agriculture para sa mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng Enhanced Southwest Monsoon o Habagat at mga bagyong Luis, Maymay at Neneng.
Kabilang dito ang mga binhi ng palay, mais at gulay, gayundin ang iba pang agricultural inputs mula sa mga Regional Field Offices ng kagawaran.
Bukod dito, may 3,631 bags ng palay-milled rice ring nailaan ang NFA para sa mga apektadong local government units sa Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon at MIMAROPA.
Samantala, nasa ₱35.67 milyon din ang indemnification na nakalaan para sa 5,005 insured farmers at fisherfolk sa Philippine Crop Insurance Corporation.
Kasabay nito, pinakikilos na ng DA ang mga regional field offices para sa logistical support, kabilang ang paggamit ng KADIWA trucks sa mga apektadong rehiyon.
Patuloy din ang pagbabantay sa presyo at daloy ng mga pangunahing agricultural commodities.
Batay naman sa assessment ng DA, umabot na sa ₱1.73 bilyon ang halaga ng pinsala at production losses sa sektor ng agrikultura kasunod ng mga pag-ulan at pagbaha kung saan naapektuhan ang mahigit 50,000 magsasaka.


