Sumampa na sa 1.8 milyong pamilya o katumbas ng 6.5 million na katao na ang apektado ng mga nagdaang bagyo at matinding epekto ng habagat sa bansa base sa tala ng Office of Civil Defense (OCD).
Sa panayam ng programang BOSES kay OCD Deputy Spokesperson Diego Mariano, sinabi nitong patuloy ang isinasagawang responde ng pamahalaan lalo na sa mga apektadong lugar.
Pagdating sa bilang ng nasawi ay sumampa na ito sa 29 kung saan patuloy pa rin ang proseso ng validation habang 19 naman ang sugatan at tatlo ang nawawala.
Sa tala naman ng mga nananatili sa evacuation center ay pumalo ito sa 14,000 na pamilya o katumbas ng aabot sa 47,000 na indibidwal.
Sa pinsala naman sa istruktura may inisyal nang ₱4.7 billion damages, ₱1.4 billion pesos naman ang naitalang pinsala sa agrikultura habang sumampa sa mahigit 2,000 bahay ang nasira.
Sumampa naman sa higit 50 siyudad at munisipalidad ang nagdeklara na ng state of calamity dahil sa bagyo at mga nararanasang pag-uulan dahil sa Habagat.